Ika-287 Araw ng Pagbilao, Ika-332 Araw ng Parokya, Ika-10 Papag at Bilao Festival, ipinagdiwang ng mga PagbilaWIN

Nagkaisa ang Lokal na Pamahalaan ng Pagbilao na pinangungunahan ni Mayor Shierre Ann Portes-Palicpic, at ang Parokya ni Santa Catalina ng Alejandria sa pangunguna ni Rev. Fr. Ferdinand I. Maaño sa pagdiriwang ng Ika-287 Araw ng Pagbilao, Ika-10 Papag at Bilao Festival at Ika-332 Araw ng Parokya, Agosto 26-31, 2017.

Agosto 26, 2017

Fluvial Procession, Sayaw Dasal (Indak Parangal) Alay sa Patrona, Pagsalubong, Banal na Misa

Sa paggunita ng ika-332 taong pamamayagpag ng Parokya ni Santa Catalina ng Alejandria, V.M. sa Bayan ng Pagbilao, nagkaroon ng Fluvial Procession, Sayaw Dasal (Indak Parangal) Alay sa Patrona, Pagsalubong at Banal na Misa, Agosto 26, 2017.

Ang Fluvial Procession, Sayaw Dasal (Indak Parangal) Alay sa Patrona at Pagsalubong ay re-enactment ng pagdating ng imahen ni Santa Catalina ng Alejandria sa Pagbilao noong 1685 at pagkakatatag ng Simbahan sa kasalukuyang kinatatayuan nito. Nagsimula ang prosesyon sa karagatan ng Brgy. Bantigue, patungo sa karugtong na Brgy. Daungan.

Nagagalak at nananabik na inabangan ng daan-daang mananampalataya sa pampang ng Brgy. Daungan ang imahen ng patrona sakay ng isang bangka. Kasama rito sina Rev. Fr. Ferdinand Maaño, Lingkod-Pari; at Rev. Fr. Marciano Rubio, Katuwang na Lingkod-Pari.

Nagsimula sa pag-indak ang mga nag-aabang na deboto nang mamataan ang paparating na imahen ng patrona. Kasabay ng masiglang pagsayaw, isinisigaw nila ang “Viva! Santa Catalina!” Napuno ng mga deboto ang kalye patungo sa Simbahan nang ihatid nila roon ang imahen.

Nakiisa sa masayang kaganapan si Punong Bayan Shierre Ann Portes-Palicpic, kasama ang mga kawani ng pamahalaang bayan.

Matapos ang Fluvial Procession, Sayaw Dasal (Indak Parangal) Alay sa Patrona at Pagsalubong, isinagawa ang Banal na Misa sa pangunguna ni Fr. Maaño.

Gabi ng Kultura at Sining (Talent Exposition)

Bago matapos ang araw, nagkaroon ng Talent Exposition o Gabi ng Kultura at Sining sa patio ng Simbahan kung saan ipinamalas ng mga PagbilaWIN ang kanilang talento at pagkamalikhain sa larangan ng pag-awit, pagsayaw at sabayang pagbigkas.

 

Agosto 27, 2017

Lutong Pagbilawin

Bilang bahagi pa rin ng pinagsama-samang pagdiriwang ng 287th Araw ng Pagbilao, 332nd Araw ng Parokya at 10th Papag at Bilao Festival ngayong 2017, nagkaroon ng Lutong Pagbilawin sa patio ng simbahan ni Sta. Catalina ng Alejandria, Agosto 27. Tampok dito ang iba’t-ibang pagkain at putahe na tunay na lutong Pagbilao.

 

Agosto 28, 2017

Wreath Laying & Flower Offering (Daungang Pari)

Nag-alay ng bulaklak ang mga mananampalatayang Pagbilawin sa Daungang Pari, Brgy. Binahaan kung saan unang itinayo ang Simbahan ni Santa Catalina ng Alejandria.

Palaro ng Kalinangang Pagbilawin

Isa sa mga inabangang kaganapan sa pagdiriwang ang Palaro ng Kalinangang Pagbilawin noong Agosto 28. Ang masayang aktibidad ay nilahukan ng iba’t-ibang grupo tulad ng Kapisanan ng Liping Pilipina o KALIPI-Pagbilao at Men Opposed to Violence Against Women and Children Everywhere o MOVE-Pagbilao.

Tampok dito ang mga palarong Pagbilawin tulad ng pabilisan sa pagtatapas at pagkakayod ng niyog, sack race at Maria Went to Town.

Ang mga nagwaging kalahok ay tumanggap ng papremyo mula sa pamahalaang lokal sa pamamagitan nina Mayor Palicpic at Municipal Administrator Ian Palicpic.

Friendship Basketball Game-Pagbilao versus Sampaloc

Naging masaya at maaksyon ang Friendship Basketball Game sa pagitan ng Team Pagbilao at Team Sampaloc na ginanap noong gabi ng Agosto 28 sa Pagbilao Covered Court.

Bukod sa mga manlalaro ng Bayan ng Sampaloc, nakiisa rin sa kaganapan ang kanilang mga opisyal at department heads.

Sa huli, wagi ang Team Pagbilao sa score na 90 laban sa 88 ng Team Sampaloc.

Ang Friendship Basketball Game – Pagbilao versus Sampaloc ay handog ng Pamahalaang Lokal ng Pagbilao sa pangunguna ni Mayor Shierre Ann Portes-Palicpic katuwang ang Municipal Administrator’s Office.

 

Agosto 29, 2017

Misa Pasasalamat ng Parokya at Pamahalaang Bayan & Lifting of Prayers in the Air

Sa pamamagitan ng Banal na Misa na pinamunuan ni Fr. Maaño, nagpasalamat ang buong Parokya at Pamahalaang Bayan sa Panginoon na nagkaloob at patuloy na nagkakaloob ng mga biyaya sa bawat PagbilaWIN.

Matapos ang Misa, isinagawa naman ang Lifting of Prayers in the Air kung saan ang kahon na naglalaman ng mga panalangin ay pinalipad sa kalangitan sa pamamagitan ng mga lobo.

Awarding Ceremony of Natatanging Anak ng Pagbilao 2017

Apat na katangi-tanging mga “Anak” ng Bayan ng Pagbilao na nagpamalas ng galing at talino sa kani-kanilang larangan at nagdala ng mga karangalan sa Bayan ang kinilala bilang mga “Natatanging Anak ng Pagbilao 2017” noong Agosto 29 sa Sentrong Pangkabuhayan Auditorium.

Ang apat na pinarangalan ay sina Tyronne Exequiel Ponciano Flores, Chris John Jaloren Cañarez, Limuel Hayag Vilela at ang namayapang si Dir. Virgilio “Direk Gil” Merluza Portes.

Basahin ang iba pang mga detalye dito: http://pagbilao.gov.ph/natatanging-anak-ng-pagbilao-2017-named-awarded/#sthash.iO66rD5d.dpbs

Awarding Ceremony of Ten Outstanding Business Taxpayers 2017

Sampung (10) mga negosyante at sampung (10) korporasyon sa Pagbilao ang kinilala ng pamahalaang bayan bilang Outstanding Business Taxpayers for 2017, Agosto 29 sa Sentrong Pangkabuhayan Auditorium.

Ang 10 negosyanteng pinarangalan ay sina: Gaspar K. Ong ng La Suerte Mega Warehouse; Benito M. Orinday ng B-Valm Construction & Supply; Johnson R. Pardilla ng JTP Commercial; Ian T. Palicpic ng PAL POR IAN Aggregates, Trucking & Heavy Equipment Rental; Mary Ann R. Pardilla ng Silangang Nayon Park and Restaurant; Milagros O. Carlos ng La Brea Agri-Farm; Wison Kho De Guzman ng Frontrunner Agri-Farm; Richard L. Ang ng Sunny Agri-Farm; Gilbert Madridano at Monchito Avila ng Papag at Bilao Catering Services; at Norberto C. Dequina ng Thymed Enterprises.

Samantala, ang 10 korporasyon naman na pinarangalan ay ang: Velfram Foods Corporation; Del Monte Land Transport Bus Co.; Quezon CATV, Inc.; Far East Hotel Management & Consultancy Inc.; Team (Phil.) Energy Corporation; Carlos Drugs-Lucena Inc.; Quezon Gas Corporation; Pagbilao Energy Corporation; Motortrade Nationwide Corporation; at Rural Bank of Pagbilao.

Naganap ang awarding ceremony ng 10 Outstanding Business Taxpayers 2017 matapos ang pagpaparangal sa mga Natatanging Anak ng Pagbilao 2017.

Basahin ang kaugnay na artikulo rito: http://pagbilao.gov.ph/lgu-recognizes-10-outstanding-business-taxpayers-2017/#sthash.Q7vzajfW.dpbs

Film Show featuring ‘Mga Munting Tinig’ – Tribute to Director Gil Portes

Bilang pagpaparangal at pag-alala sa namayapang batikang direktor at kapwa Pagbilawin na si Virgilio “Direk Gil” Portes na malaki ang naiambag sa industriya ng pelikula at telebisyon sa Pilipinas, nagsagawa ang pamahalaang bayan ng Film Show, Agosto 29.

Itinampok sa Film Show ang isa sa pinakakilalang pelikula ni Direk Gil, ang “Mga Munting Tinig” na pinagbibidahan ni Alessandra De Rossi. Inimbitahan ng pamahalaang lokal ang mga piling mag-aaral ng Pagbilao Central Elementary School, Pagbilao East Elementary School at Pagbilao West Elementary School upang manood ng nasabing pelikula.

 

Agosto 30, 2017

Grand Parade

Pinaka-inabangan at pinaka-tinangkilik ng mga PagbilaWIN sa pagdiriwang ng 287th Araw ng Pagbilao, 332nd Araw ng Parokya at 10th Papag at Bilao Festival ang Grand Parade na naganap noong Agosto 30.

Tampok sa Grand Parade ang mahuhusay na mga kalahok ng Street Dancing Competition, makukulay at malalaking karosa, mga naggagandahang mutya, mga estudyante at guro mula sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa Pagbilao, mga opisyal at empleyado ng pamahalaang lokal at mga opisyal ng barangay.

Street Dancing Competition, Natatanging Karosa at Lakambini ng Pestibal

Apat (4) na grupo ang nagtagisan sa Barangay Category ng Street Dancing Competition, habang tatlo (3) naman sa School-Based Category. Naganap ang pinakainabangang kompetisyon noong gabi ng Agosto 30 sa St. Catherine of Alexandria Parish Grounds.

Sa Barangay Category, itinanghal na kampeon ang Brgy. Daungan. Nagkamit naman ng ikalawang pwesto ang Brgy. Bukal, at ikatlong pwesto ang Brgy. Castillo. Nag-uwi naman ng consolation prize ang Brgy. Alupaye.

Sa School-Based Category, wagi ang Pagbilao Grande Island National High School. Pumangalawa ang CVE Colleges, Inc., at pumangatlo ang Pagbilao National High School.

Bukod sa kampeonato sa magkaibang kategorya, iniuwi rin ng Brgy. Daungan at Pagbilao Grande Island National High School ang kani-kanilang Best in Costume award.

Kinilala bilang Natatanging Karosa ang karosa ng Pagbilao National High School. Sinundan ito ng karosa ng DepEd-Elementary (2nd place) at karosa ng Kapit-Bisig Ugnayan Multi-Purpose Cooperative (3rd place).

Labintatlong (13) maririkit na dilag ang naglaban sa titulo bilang Lakambini ng Pestibal 2017. Suot ng mga kandidata ang makukulay na festival gowns na yari sa recycled materials. Ang pagpili sa Lakambini ng Pestibal para sa taong ito ay ginanap matapos ang inabangang Grand Parade.

Nasungkit ni Renabelle Martinez ng CVE Colleges ang korona bilang Lakambini ng Pestibal 2017. Si Ana Marie Urgelles ng Brgy. Sta. Catalina naman ang nag-uwi ng ikalawang pwesto, habang si Apple Jane Aman ng DepEd-Elementary ang nakakuha ng ikatlong pwesto.

Napuno ng masasayang hiyawan ang bulwagan nang haranahin ni Jimboy Martin, miyembro ng sikat na boy group na Hashtag at Pinoy Big Brother 737 Big Winner, ang mga kalahok sa Lakambini ng Pestibal at ang mga manonood. Hindi naman nagpahuli sa kanyang performance ang isa pang guest celebrity sa araw na iyon na si Loren Burgos, aktres at modelo.

 

Agosto 31, 2017

Street Party at Gabi ng Pagdiriwang

Sa pagtatapos ng pagdiriwang ng 287th Araw ng Pagbilao, 332nd Araw ng Parokya at 10th Papag at Bilao Festival ngayong 2017, nagdaos ng Street Party at Gabi ng Pagdiriwang ang Pamahalaang Bayan ng Pagbilao sa pangunguna ni Mayor Shierre Ann Portes-Palicpic, Agosto 31.

Nagkaroon ng raffle draw ang samahan ng MOVE-Pagbilao sa pangunguna ni Municipal Administrator Ian Palicpic. Ang nasabing raffle draw ay fund-raising activity ng MOVE-Pagbilao kung saan ang nalikom na pondo ay itutulong sa mga mag-aaral ng adopted school ng samahan, ang Bagumbungan Elementary School.

Win na win ang mga PagbilaWIN sa isa pang raffle draw. Ang mga papremyo rito ay handog ng San Miguel Corporation.

Anim (6) na guest celebrities naman ang nakisaya sa Gabi ng Pagdiriwang. Nagsilbing hosts ang mga komedyanteng sina Pepita at Chabelita. Hinarana nina The Voice Teens PH Finalist, Jeremy Glinoga; at Kapamilya rising actor and singer, Mark Rivera ang mga PagbilaWIN.

Napa-wow ang mga PagbilaWIN nang bumirit ang dalawa pang sikat na The Voice Teens PH contestants na sina Nisha Bedaña at Emarjhun de Guzman.

Pinarangalan din sa pagdiriwang ang mga nagwagi sa katatapos lamang na Street Dancing Competition at kinilala ang Natatanging Grupo, ang CVE Colleges, Inc.

 

Sa pagtutulungan at pagkakaisa ng mga PagbilaWIN, Pamahalaang Bayan ng Pagbilao at Parokya ni Santa Catalina ng Alejandria, naging matagumpay ang pinagsama-samang pagdiriwang ng kultura, kasaysayan at buhay.

(Isinulat ni MCPepaño)

 

Contact Us

Pagbilao Municipal Hall
Rizal St., Brgy. Sta. Catalina,
Pagbilao, Quezon

Telephone No.: (042) 797-0937
Email: quick@pagbilao.gov.ph [click here]

Philippine National Police
Tel. No.: (042) 797-2854
Bureau of Fire Protection
Tel No.: (042) 797-0932
Health Office
Tel No.: (042) 797-3092

Department:

Enter the word below

captcha

LATEST NEWS

Mayor Palicpic emerges one of 5 Finalists in 2nd Sonia R. Lorenzo Award

Thursday, October 5, 2017 @ 9:34

Pagbilao Mayor Shierre Ann Portes-Palicpic emerged one of the five (5) finalists among thirty-five (35) nominees from all over the…

Read More

MGA DAPAT MALAMAN TUNGKOL SA JAPANESE ENCEPHALITIS

Monday, October 2, 2017 @ 10:41

DEPARTMENT OF HEALTH (DOH) JAPANESE ENCEPHALITIS MGA DAPAT MALAMAN TUNGKOL SA JAPANESE ENCEPHALITIS JAPANESE ENCEPHALITIS: Virus transmitted by mosquito bites….

Read More

SHARE THIS
Copyright © 2014-2017 Municipality of Pagbilao, Quezon, Philippines. All Rights Reserved.