The Official Website of the Municipal Government of Pagbilao, Quezon
  • pagbilaogov
  • pagbilaogov
  • Call Us

Araw ng Kalayaan

June 12, 2022

News

June 12, 2022 | Masaya at sama-samang binigyang pugay ng Bayan ng Pagbilao ang ika-124 Anibersaryo ng ARAW NG KALAYAAN sa pangunguna ni Mayor Shierre Ann Portes-Palicpic.

Pinasimulan ang unang bahagi ng programa sa pamamagitan ng mga panalangin sa pamumuno nina Rev. Pastor Bernardo Merle ng Lord of Harvest Church; Imam Jopaysal Ahijul ng Masjid Al Rawdah; at Rev. John C. Añago ng St. Cathering of Alexandria.

Nagbigay sigla ang Talipan National High School Drum and Lyre Band sa pag-awit ng Philippine National Anthem na sinundan naman ng Panunumpa sa Watawat, Lalawigan ng Quezon at Himno ng Papag at Bilao.

Sa mensahe ni Mayor Palicpic, naniniwala siya na ang nakaraang halalan ay isang malinaw na pagpapakita na ang kalayaan ay buhay at iginagalang sa bayan ng Pagbilao, ang Kalayaang pumili ng mga lider. Kasabay nito ang kalayaan ng bawat isa sa atin na gamitin ang Kalayaan sa pagsasalita upang hikayatin ang nakararami na maging kaisa ng pamahalaan sa pagsunod sa mga batas at alituntunin na umiiral.

Dagdag pa ng Punong Bayan sa kanyang pananalita na ang "Kalayaan na paggamit ng pagkilos, na ang pagkilos na ito ay kasabay lagi ang paggalang sa pagkilos ng iba. Pagkilos na isinasaalang-alang hindi lamang ang sarili, hindi lamang ang pamilya pero pagkilos para sa iisang tunguhin at landasin na tayo ay magkasama sa anumang laban at hamon ng buhay."

Binigyang diin ni Dra. Maria Cindy Mendioro Martinez na nagsilbing panauhing tagapagsalita at isang General Pediatrician kung ano ang hamon ng makabagong panahon na nakaangkla sa tema ngayong taon na "Kalayaan 2022: Pag-usong sa Hamon ng Panibagong bukas". Ayon sa kanya, sa mahigit na tatlong taon mula ng mag-umpisa ang pandemya bunsod ng COVID-19 ay maraming pagbabago ang naganap hindi lamang sa Pilipinas bagkus sa buong mundo.

Kaalinsabay nito, ginawaran ng pagkilala ang mga opisyales ng Sangguniang Bayan 2019-2022 at si Mayor Shierre Ann Portes-Palicpic para sa kanilang natatanging serbisyo ipinamalas na magiging bahagi ng kasaysayan ng Pagbilao.

Aktibo ring nakiisa sa nasabing pagdiriwang ang Sangguniang Bayan Members, Department Heads, mga Punong Barangay at ilang Barangay Officials, School Heads at mga guro mula sa iba't ibang pampribado at pampublikong paaralan at LGU Employees na nagpakita ng buong pusong pagmamahal sa bayan at sa bansang Pilipinas.

Kayang Kaya Basta't Sama-sama!

#PagbilaoWINS #SerbisyongPalicpic

Tingnan ang iba pang larawan: https://bit.ly/3b4mXQQ